Mga dagliang humpay tuwing dapithapon

Franco L. Babasa
4 min readJan 30, 2021

Tuwing naghaharap na ang dilim at liwanag sa mga minuto bago o pagkaraan ang ikalabinwalong oras, naghahanay ang kaguluhang angkin ng realidad — nagkakaroon ito ng pansamantalang linaw.

Bilang mga nagdadalubhasa sa larangan ng modernong sining, laging bilin ng aming mga guro na ang daan sa pagbuo ng mahusay na mga disenyo ay ang pagsagot mo sa katanungang, “Bakit mo ginagawa ang ginagawa mo?”. Ayon sa kanila, ang pagtukoy sa iyong pakay ang pinakamahalagang bagay na maaari mong magamit upang hindi ka mawalan ng direksyon at gana, anumang landas ng karerang ito ang aming tahakin. Bagaman ako ay nakapagtapos ng sekondaryang kapangkat ang mga nangangarap maging inhinyero, arkitekto at doktor, kasing-liwanag ng araw na tirik sa tanghali ang pagtiyak na nasa likod ng pluma, kompyuter at kamera ang kapalarang naghihintay para sa akin.

Pagpasok ko ng multimedia arts sa kolehiyo, tila tumigil ang pag-ikot ang mundo. Tiyak na ang panibagong pagpapakilala sa mga panibagong mukha; hindi rin maiiwasan ang mga pagbabago rin sa paraan ng pakikitungo. Bilang taga-probinsyang mula sa pampublikong paaralan, binalot ng mga ulap ng takot at kaba ang araw na kamakailan ay nakasisilaw pa. Sa unang araw ng klase, hiningi agad ang aming sagot sa katanungan. Bakit ko nga ba ginagawa ang mga bagay na ginagawa ko? Bumabagal ang takbo ng mga ideya at salita sa aking isipan, hanggang sa pagkakataon ko nang tumugon — tuluyan na akong napatigil. Wala akong maisagot. Wala akong sagot. Hinayaan ko na lamang lumabas ang pinagtagpi-tagping mga salitang naulinig ko sa kasagsagan ng pag-iisip. Wala akong sagot, muli kong naisip. Alam ko ang patutunguhan, ngunit hindi ang daan. Ano pa ang silbi ng araw kung wala naman itong landas na iilawan?

Oras lamang ang inabot upang makatagpo ng mga kakilala, ngunit makailang buwan ang inabot bago ako nagkaroon ng mga makakasama. Marahil unti-unti kaming nagkabukluran dala ng pawang kawalan ng tugon sa tanong na iyon, kaya’t lagi namin itong binabalik-balikan — madalas sa usapang meryenda bago sumapit ang gabi o ‘di kaya’y paglabas sa huling klaseng nagtatapos ng ala-sais ng hapon. Kapag pumwesto sa isang sulok, koridor man o kalsada, malimit kaming mapapatulala sa lumulubog na araw. Habang kahel pa ang kalangitan, magkakaroon ng batuhan ng mga ganap sa nagdaang oras. Unti-unti itong lilihis pabalik sa pagduda sa kursong tinahak. Ba’t nga ba tayo nandito? Sa kainipang antayin ang aming tiyak na mga tugon, nagpapasya na lang ang tahanan ng mga ulap na magbalot na sa mala-itim at asul nitong kumot.

Patuloy ko lamang sinundan ang liwanag kahit hindi ko pa rin matunton ang daan. Lumipas ang isa… dalawang taon. Nandito pa rin kami. Ikatlong taon ko na ngayon sa kolehiyo. Nandito pa rin ako. Inabutan na ako ng dapithapon sa kabuuhang panahon ng aking pag-aaral, at paubos na rin ang nilaan kong oras upang tiyakin ang daang tatahakin ko sa industriyang ito. Sa minsanang kamustahan namin ng aking kaibigan tungkol sa mga hamon ng aming kurso dala ng pagklase online, tila mahigit isang oras ang aming nailaan upang matunton ang isang bagay: marahil may sagot na kami sa palaisipang kumukwestyon sa aming pakay sa kursong ito. Dala marahil ng pagod at pagkalito na nakimkim mula nang kami’y magsimula, natiyak na naming dalawa lang ang aming pagpipilian: ang pumunta sa destinasyon na iisa-isahin mo pa ang mga ruta upang malaman kung alin ang akma, o ang pananatili sa isang diretsong rutang hindi makatitiyak ng patutunguhan.

Nakapapagal magnilay sa mga desisyong walang katiyakan. “Saan kami pupulutin pagkatapos nito?”, palagiang bulong ko sa sarili. Kung patuloy naming hahabulin ang liwanag, masisilaw lang kami ng mga mithiing nanganganib maging pagmamalabis. Kung manatili naman kami sa karampot na ilaw na handog ng buwan, lalo lamang didilim

Sinipat ko ang kapayapaan ng aking isip sa palitang-gampan ng dilim at liwanag — pangalawang palitan araw-araw. Taliwas sa paghudyat nito ng pagtapos ng bawat araw na lilipas, ang turing ko dito’y mga panibagong simula at pagkakataon. Tuwing naghaharap na ang dilim at liwanag sa mga minuto bago o pagkaraan ang ikalabinwalong oras, naghahanay ang kaguluhang angkin ng realidad — nagkakaroon ito ng pansamantalang linaw. Inaalok ang dagliang humpay pagsapit ng bawat dapithapon na naging saksi ng pagsiyasat ko sa aking mga desisyon sa buhay. Ako’y pinapaalalahanang hindi dahil wala akong pangunahing layon sa pagdadalubhasang ito ay hindi ko na magawa ang mga bagay na nais kong gawin. Gabay lang ang katanungang iyon, hinuha ko pagkaraan ng halos tatlong taon ng palitang kuro-kuro sa iba at sa sarili.

Bakit ko ginagawa ang ginagawa ko? Hindi ko rin matunton, subalit alam kong nandito ang isipan ko’t puso. Hindi man tiyak ang dakong patutunguhan, ngunit ako’y papunta na. Sapat nang gabay ang liwanag na bahagyang kinubli ng nagbabadyang gabi — may araw-araw pang darating upang linawin ang rutang babagtasin.

Isinulat noong Nobyembre 30, 2020

--

--

Franco L. Babasa
0 Followers

22 · Multimedia Artist from Bulacan, PHL